Napapanahon na nga ba? Pagsusuri sa nakabinbing reporma sa sistema ng buwis

15 December 2016
874 Views

nina Zyril Bautista, Abigail Faith Javier, Jessie Angelo Lee at Andrea Jasmin Pila

Sa nagdaang 19 taon, walang anomang pagbabago ang naipatupad sa tax system ng Pilipinas. May mga nagsasabing hindi na ito angkop sa kasalukuyang panahon sapagkat marami na rin ang nangyari sa takbo ng ekonomya. May iba namang nais pa ring panatilihin ang lumang sistema dahil nangangamba sila sa posibleng epekto nito. Hati man sa dalawa ang opinyon ng mga tao, tila hindi na mapipigilan ang paparating na House Bill (HB) na aamyenda sa buong tax system.

“Tunay na pagbabago,” ika nga ng administrasyong nagsulong ng naturang reporma. Layunin nitong tulungan ang mga ordinaryong Pilipino sa pamamagitan ng pagpapababa ng kanilang buwis. Bilang kapalit, babaguhin ang ilang probisyon patungkol sa Value Added Tax (VAT) at excise tax. Ito ang magsisilbing pambawi sa mga mawawalang kita ng pamahalaan.

Napakalawak ng pagbabagong hatid ng reporma sa buwis na magsasanhi rin ng iba’t ibang epekto sa lipunan. Magbabago ang bigat ng buwis na dadalhin ng bawat Pilipino, kabilang na ang pagbabago sa mga proseso hinggil sa tax filing at computation. Bunsod nito, palaisipan para sa nakararami ang pangkalahatang maidudulot ng pagbabago.

 

Amendya sa tax system

May apat na repormang isinusulong ang administrasyong Duterte patungkol sa sistema ng buwis. Unang susuriin ang mga epekto ng reporma patungkol sa individual income tax, VAT, at excise tax na ipatutupad na sa 2017-2018. Matapos nito, sisiyasatin din ang pagbabago sa corporate income tax, real estate tax, at capital income tax sa mga susunod na taon.

Isa sa mahalagang probisyong dapat tandaan ang pagbabago sa annual exemption ng bawat Pilipino. Nakasaad sa repormang hindi na magbabayad ng buwis ang mga taong kumikita ng P250,000 kada taon o P20,833 kada buwan. Kapalit nito, tatanggalin ang mga taunang exemption katulad ng P82,000 non-taxable bonus at buwanang de minimis (allowance) tulad ng medical, rice, at meal allowance na kasalukuyang libre sa buwis.

Mahalaga ring pagtuunan ng pansin ang pagbabago hinggil sa buwis pang-krudo dahil una itong maaapektuhan. Sa 2017, maglalaro sa halagang P4.5 hanggang P10 ang dagdag buwis kada litro ng diesel, unleaded o gaas. Sa kasalukuyan, nasa P0.05 hanggang P4.35 lamang ang buwis pang-krudo. Mula rito, makikitang malaki ang epekto ng tax reform sa transportasyon.

 

Posibleng epekto ng mga pagbabago

Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Aaron Escartin, Senior Director at Tax partner ng Sycip Gorres Velayo & Co. (SGV), mahirap at pasikot-sikot ang kasalukuyang sistema. “The tax system in the Philippines is complex because it is similar to the US tax system […]. Sometimes the rules [on taxation] are not clear,” pagsasaad niya.

pagbabago-sa-tax-system-colored-1

Nang tanungin hinggil sa repormang mangyayari, sang-ayon si Escartin sa pagbabago sa income tax. Ayon sa kanya, hindi nito maaapektuhan ang kita ng tax advisors at filers dahil nariyan pa rin ang pangangailangan sa mga taong aasikaso ng BIR rulings interpretation at filings. Mapadadali rin ang trabaho ng tax advisors sapagkat hindi na sila mahihirapan sa interpretasyon ng mga polisiyang pambuwis.

Pagdating naman sa kabuuang epekto ng pagbabago, maaaring negatibo ang dulot nito sa ekonomya dahil sa pagtanggal sa mga tax incentive. “There’s a bill in which they [companies enjoying preferential rate] will be taxed based on 5% net income or 15% gross income,” pagbibigay-halimbawa ni Escartin. Gayunpaman, aniya, ilang taon lamang ito magtatagal. Pahayag niya, “When they invested in the Philippines, they were banking on the tax incentives that they are going to get.”

Makasasama umano ang agarang pagbabago dahil tinatanggal ng pamahalaan ang karapatan ng ilang korporasyong may tax incentive. “Parang in effect, there is a rule in the beginning of the game pero at the time they have invested, you are suddenly changing the rules of the game, at the middle of the game,” paglalarawan niya.

Katatagan ng pambansang ekonomya ang problemang kahaharapin ng mga investor. Kung magpapatuloy ang pabago-bagong takbo ng bansa, magkakaroon ito ng epekto sa kanilang mga desisyon. Kagaya ng sabi ni Escartin, mawawala ang tiwala ng mga investor sa bansa dahil lumalabas na kayang baguhin ng pamahalaan ang pangakong binitawan nito sa kanila kahit anong oras.

Sinuportahan naman ni Chona Bongato, accountant sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang pahayag ni Escartin hinggil sa pagbabago sa income tax rates. Aniya, malaki ang kaltas sa kanyang sahod dahil sa kasalukuyang sistema ng buwis. “Significant [tax deduction from my salary]. Imagine, 68% na lang net (after tax) then kakaltasan pa ng GSIS, Philhealth, etc.,” pagbabahagi niya.

Nang inanunsyo ang pagtaas ng VAT upang mabawi ang mawawalang kita ng pamahalaan, hindi pa rin nagbago ang pananaw ni Bongato. Aniya, kaya namang kontrolin ang pagbili sa mga produktong hindi naman talaga kinakailangan. Mas katanggap-tanggap pa raw ito kaysa sa agarang pagbawas sa mga sweldo ng mga empleyado.

 

Reporma, pabor nga ba?

Mas malaking halaga ang maiuuwi ng mga empleyado bunsod ng pagbabago sa buwis. Sa kasamaang palad, kaakibat naman nito ang pagtaas ng VAT upang masustentuhan ang pagbaba ng singil sa income tax. Kung susuriin ang mga pahayag ni Escartin at Bongato, napapanahon nang baguhin ang income tax rates upang mas maging akma ito sa kasalukuyang pangangailangan.

Para kay Escartin, may bahagi ng tax system na dapat baguhin at mayroon ding dapat panatiliin tulad ng tax incentives. Aniya, hindi naman malulugi ang gobyerno sakaling panatilihin nila ito dahil mapapantayan ito ng pagdami ng investors.

Sa kabila ng reporma, masasabing pabor pa rin ang ilang mga namamasukan sa pagbabago, tulad ni Bongato, dahil ibinibigay ng bagong sistema ang kontrol sa kanilang mga kamay. Bunsod nito, nakasalalay na ngayon sa kani-kanilang gastusin kung makagiginhawa sa kanila ang pagbabago o hindi.

Gayunpaman, nawa isipin ng lahat na para din sa mga Pilipino ang repormang isasagawa. Nais nitong ipadama ang benepisyong hatid ng pamahalaan hindi lang sa mga nakaaangat sa buhay kung hindi pati na rin sa mga ordinaryong empleyado lamang.

 

Dibuho ni Aramina Batiquin

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?