Social Fabric: Pagtuklas sa pambihirang sining sa likod ng paghahabi

19 November 2016
833 Views

nina Ezekiel Enric Andres, Nia Marie Cervantes at Ma. Carmina Dieta

Dala ng likas na malikhaing pag-iisip at pagpapahalaga sa sining ng mga Pilipino, nakagagawa tayo ng paraan upang lumikha ng mga obra gamit ang maraming bagay. Tampok ngayon sa takilya ang sari-saring anyo ng sining na nagpapakita ng sariling interpretasyon ng manlilikha. Bunsod nito, mas napapansin na rin ang mga Pilipino na alagad ng sining maging sa labas ng bansa.

Pagmulat sa nakagisnang sining

Nagdaos ng isang artist talk na pinamagatang Social Fabric si Karl Castro, isang independent artist at designer, sa Vargas Museum ng Unibersidad ng Pilipinas noong Nobyembre 12. Kaugnay nito, itinampok din ang ang ilan sa kanyang mga obra na yari sa paghahabi sa inilunsad niyang art exhibit. Gamit ang mga babasaging pandekorasyon, ipinahahayag ng kanyang mga obra ang pang-araw-araw na gawain ng iba’t ibang tao.

Ilan sa kanyang mga gawang nakalagay sa nasabing museo ang, “A man toys with his gadgets,” “A young man chats while his fellows congregate,” “A woman pulls down her tube top,” at “An old lady puts on her lipstick and strapless bra.”

Nagsimula ang interes ni Castro sa visual arts at paghahabi simula pa lamang noong nasa hayskul siya. Sa murang edad, sinubok niyang kumolekta ng maliliit na dahon sa tabing daan na ginawa niyang mga bookmark. Sa kanyang huling taon sa hayskul, pinalawak niya pa ang kanyang interes at gumawa siya ng mga kakaibang obra gaya ng pigura ng mga kalahating katawan ng tao at hayop gamit ang window screens.

Kumuha siya ng programang Visual Arts sa Philippine High School for the Arts at nagtamo ng kurso sa film at audiovisual communication galing sa University of the Philippines Film Institute. Matapos ang kanyang pag-aaral at tuluyang pagsisikap, nasungkit niya ang mga gantimpalang ipinagkaloob ng Philippine National Book Awards for Design at Adobe Design Awards noong 2012.

Iginiit ni Castro na matrabaho ang proseso ng kanyang mga obra. Inamin niya ring kahit ilang beses na niya itong ginawa, nahihirapan at napapagod pa rin siya. Malumanay niyang inilarawan ang kanyang proseso sa paghahabi gamit ang mga abaloryo, isang klase ng babasaging kagamitang ginagamit na pandekorasyon.

11-12-16-up-museum-2-kuha-ni-jilliane-lozares

Wika niya, ang unang hakbang para sa matagumpay na proyekto ang makabuo ng isang disenyo sa isipan. Matapos nito, kanyang aalamin ang mga uri, kulay, at sukat ng mga abaloryong kanyang gagamitin. Ayon kay Castro, nanggagaling ang ilan sa mga abaloryong kanyang ginagamit sa merkado, antigong kagamitan ng ating mga ninuno, at may iba namang gawa sa kahoy.

Susunod na proseso naman ang paghahanda ng warp na nakadepende sa kasipagan ng manlilikha. Dagdag pa niya, tumatagal nang isang buwan ang paggawa at halos magkatulad lamang ang proseso sa maliliit at malalaking obra.

Habang lumilipas ang panahon, lumalakas ang loob niya sa paggawa ng mas malalaking obra at paggamit ng mas maraming kulay at uri ng mga abaloryo.

Sa likod ng mga obra

Mga larawang galing sa mga livestream webcam sessions ng iba’t ibang tao ang pinagbabatayan ni Castro sa kanyang mga obra. Para sa kanya, ito ang mga sandaling lumilipas lamang sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao at tuluyan na lamang naglalaho na parang bula. Bunsod nito, naisip niyang maging inspirasyon ito para sa kanyang mga gawa upang mas maging kawili-wili rin para sa magiging tagamasid nito.

Sa kabila ng mga simpleng larawang kanyang idinisenyo, iba’t ibang pananaw ang maaaring punahin ng mga tagamasid. Ilan dito ang pagsusuri sa ipinapahiwating ng tao sa larawan at aling uri ng lipunan siya nakakpabilang.

Inihambing niya ang ilan sa kanyang mga gawa sa obra ni Fernando Amorsolo, ang pinakaunang National Artist ng Pilipinas sa pagpipinta, na nagpapakita ng isang babaeng nakahubad. “You’re kind of put in the problem which is more perverse, is it the male’s glorification of the woman’s body without her approval or knowledge or is it the woman’s portrayal of herself in that way,” paninindigan ni Castro.

11-12-16-up-museum-1-kuha-ni-arah-reguyal

Binigyan-linaw niyang hindi lamang tungkol sa pornograpiya ang nais niyang iparating sa mga tagamasid. Nais niyang ikintal sa isipan ng mga makakikita nito ang mas malalim na pag-unawa sa kanyang mga gawain. Hangad din niyang bigyang-diin ang konsepto ng tunay na kaligayahan sa imahe—hindi kinakailangang sadyaing ihayag ang kanilang mga sarili sa harap ng madla upang matamo ito.

Bukod-tanging kahusayan

Hindi maikakailang mayroong malawak na kapasidad ang kaisipan ng tao para makalikha ng hindi pangkaraniwang mga bagay. Para maipamalas ito, hindi sapat ang pagkakaroon lamang ng silakbo ng damdamin tungo sa mga gawaing naiibigan ng isang tao. Kinakailangan ng matinding motibasyon, matibay na paninindigan, at hindi matitinag na pagsisikap sa pagsasagawa ng obra sa larangang tinatahak.

Walang dudang magkakaroon ng isang pambihirang kalalabasan kung maisasakatuparan nang wasto ang tamang kombinasyon ng mga katangiang binanggit at ng kakaibang galing ng isang indibidwal.

Retrato – kuha nina Arah Josmin Reguyal at Jilliane Lozares

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?