Tabi-tabi po: Misteryo sa likod ng mga Philippine urban legend

1 November 2016
1335 Views

nina Jhuneth Dominguez at Janine Therese Claire Espiritu

Katahimikan at kapayapaan ang bumabalot sa buhay na malayo sa syudad. Malinis na hangin, sariwang mga pagkain, at simpleng pamumuhay ang kaakibat ng buhay sa probinsya. Malayo ito sa kahit anomang problema kung ikokompara sa matao at magulong kalsada sa mga lungsod. Marahil isa ito sa mga rason bakit maraming Pilipino ang gustong magbakasyon sa malalayong lugar. Gayunpaman, sa pagsapit ng dilim, maaaring hindi lamang katahimikan at kapayapaan ang bumalot sa mga lugar na ito.

Tunay ngang puno ng kababalaghan ang gabi lalo na sa malalayong lugar na mayaman sa kultura at paniniwala. Iba’t ibang kwento na ang naitatala ukol sa mga nilalang na iba sa pangkaraniwan. Bukod sa mga taong naninirahan sa mundong ibabaw, mayroon pang ibang mga nilalang ang sinasabing nananahan din sa lupang ating ginagalawan.

 

Kilabot sa pagsapit ng dilim

Maraming kasabihan ang ibinibigay ng mga nakatatanda sa kabataan tuwing uuwi sila sa kanilang probinsya. Para sa ilan, mga kwentong tila inimbento lamang ito upang takutin at balaan ang mga bumibisita, lalo na ang mga bata. Gayunpaman, mahalaga para sa mga nakatatanda ang pagsunod sa mga kasabihan at pamahiing sumasalamin sa pagrespeto sa kapaligiran. Mahalaga ito upang maiwasan ang mga hindi magagandang pangyayaring maaaring magkaroon ng malaking epekto sa buhay ng isang tao.

Sa tagal ng mga paniniwalang ito, may iilan na ring nakaranas ng mga hindi kanais-nais na pangyayari bunsod ng hindi nila pagsunod dito. Isa sa nakaranas ng mga katakot-takot na pangyayari si Revan Francis Manzano. Taliwas sa pananaw na tuwing tahimik lamang nangyayari ang ganitong mga karanasan, inihayag niyang napagdaanan niya ito noong sumapit ang bisperas ng bagong taon. Kwento niya, “Grade 6 ako nun, siyempre maingay, maraming masaya, maraming kumakain.”

Sinabi ni Manzano na wala naman siyang kakaibang nakita o nakasalubong na hindi pangkaraniwang nilalang, subalit mayroon daw siyang narinig na malakas na halakhak ng isang bata. Habang malinis ang kanyang intensyon sa pagdaan sa gubat upang makarating sa bilihan ng paputok, naging iba na ang kondisyon ng kanyang katawan nang makabalik siya sa kanilang tahanan.

“Nang makabili na kami, nagmadali akong bumalik sa bahay. Nandun parin yung kakaibang naramdaman ko. Pagdating ko sa bahay namin, bigla na lang akong sumuka,” aniya. Nagpatuloy ang kanyang sitwasyon hanggang sa napagdesisyunan ng kanyang mga magulang dalhin siya sa ospital. “Trangkaso lang naman daw yung sakit ko. Pero kahit uminom ako ng gamot, di pa rin ako gumagaling,” dagdag pa niya.

Iba naman ang karanasang ibinihagi ni Jan Paolo Pamati-an. Kwento niya, tila isang parusa ang nangyari sa kanilang magpipinsan nang minsang magambala nila ang mga kakaibang nilalang. Inilahad niyang bata pa siya nang kanya itong naranasan at kasama niya noon ang kanyang kapatid at pinsan. Bunsod ng kamusmusan, nakasanayan nilang maglaro sa labas at tumambay sa isang mataas at matandang puno. “Hindi ako naniniwala noon sa mga pinananakot nilang mga kapre, dwende, at iba pa sapagkat naniniwala akong ginagamit lang ito ng mga magulang upang disiplinahin ang mga anak nila,” sambit nya.

Habang abala ang mga tao sa kanilang tahanan, naisipan nilang magpipinsan na maglaro sa labas. “May dala kaming mga lusis noon at agad naman namin itong sinindihan. Sa sobrang pagkawili, binato ng lusis ng pinsan ko ang naturang puno at matapos ang ilang sandali, may masangsang na amoy ng usok mula sa sigarilyo. Halatang halata na ang amoy ay hindi mula sa isang paputok kung hindi galing sa sigarilyo o tabako,” paglalahad niya.

Naniniwala siyang sa panahong iyon, kakaiba na ang naramdaman nila sa kanilang paligid. Kwento niya, “Dahil sa lakas ng amoy, napatigil kami at nagtanungan na tila nagtataka kung saan nagmumula ang amoy. Maya-maya, yumanig ang puno at isang malaking tabako ang nahulog mula rito. Agad kaming tumakbo pauwi.”

Gaya ng kwento ni Pamati-an, sa isang puno rin nagsimula ang isang kababalaghang naranasan ni Gng. Lilibeth Oblena – Quiore, pakultad ng Departamento ng Filipino. Ayon sa kanya, nagpapatayo sila ng bahay noon sa probinsya nang maranasan niya ito.

Upang masimulan ang pagpapatayo ng bahay sa lupaing kanilang binili, kailangan nilang putulin ang isang malaking puno ng Acacia na matagal nang nakatayo roon. Nang maitumba na ito, biglang lumaki ang binti ng taong pumutol ng naturang puno. Ikinonsulta nila ito sa doktor ngunit hindi pa rin ito gumaling.

Nang lumapit sila sa isang albularyo, sinabi niyang dapat dasalan ang puno at humingi ng tawad sa kung anomang naninirahan dito. Nang makabalik sila sa kanilang lupa, pinalibutan nila ng mga nakasinding kandila ang naturang puno at bumuo ng isang bilog. Dumapo ang apoy sa katawan ng puno ngunit hindi ito nasunog. Kalaunan, nawala ring bigla ang apoy at kasabay nito ang paggaling ng binti ng taong pumutol ng puno.

Matapos ang pangyayaring ito, napagdesisyuan ng kanyang pamilya na ibenta ang bahay at lupa sapagkat nagpatuloy pa rin ang paggambala sa mga taong nanirahan sa bahay na ipinatayo.

 

Kasaysayan sa likod ng mga kababalaghan

 Nag-ugat ang paniniwala ng mga Pilipino sa mga kakaibang nilalang at mga urban legend matagal na panahon na ang nakalipas. Ayon kay Quiore, nagmula ang paniniwala ng mga Pilipino sa mga iba’t ibang nilalang tulad ng tikbalang, kapre, at dwende sa sinaunang pamayanang Pilipino. Inilahad ng propesor na ubod na ng tagal ang mga paniniwalang ito na umabot sa puntong tila hindi na matagpuan ang pinagmulan..

Ibinahagi rin ni Quiore na higit na mahalaga ang mga Urban Legend sa mga Pilipinong mayroong paniniwala sa pwersa ng kalikasan sapagkat ginagamit nila ang mga ito upang mapreserba at mapangalagaan ang yamang ipinagkaloob. “Palagay ko mahalaga ito sa kultura ng mga taong may paniniwala dito dahil lagi itong kakabit ang kalikasan. At naniniwala sila na ang mga nilalang na iyon ang mga nagbabantay sa kalikasan,” sabi niya.

Sa kabilang dako, kahit na mahirap humanap ng mga patunay, nararapat lamang na igalang at respetuhin ang mga ganitong bagay sapagkat may kaakibat itong paniniwalang nagmula pa sa ating mga ninuno. “Nagsisilbing patunay ang mga taong nakaranas nito sa hindi mapaliwanag na pangyayari at penomena sa ating bansa o kultura dahil papano mo mapapaliwanag ang isang bagay na nangyari na mahirap ipaliwanag pero nag-eexist talaga?” giit niya.

 

Kahalagahan ng mga pwersa ng kalikasan

 Kinikilala at pinaniniwalaan bilang tagapagbantay at tagapangalaga ng mayamang kalikasang ipinagkaloob sa atin ang mga manananggal, kapre, tikbalang, aswang at iba pa. Bagamat maraming mga hindi maipaliwanag na mga nilalang ang nakapaloob sa mga kwento ng urban legend ng bansa, malaki ang kontribusyon nito sa makulay na kultura ng mga Pilipino.

Kadalasan itong maririnig bilang babala o paalala ng mga magulang sa kanilang mga anak at paliwanag ng mga albularyo o manggagamot sa mga hindi maipaliwanag na mga karamdaman. Kadalasan din itong itinatampok sa mga kwento, pelikula, at librong tungkol sa mga kababalaghan. Bunsod nito, mas napayayabong at nabibigyang-kulay ang kulturang isinasabuhay ng mga Pilipino.

Totoo man o nakabatay lamang sa paniniwala, wala rin namang mawawala sa atin kung maniniwala tayo sa mga ito. Binibigyang-diin ng mga Philippine urban legend ang mga aral na maaaring mapulot ng mga Pilipino mula rito.

Sa huli, bitbit ng mga kwentong ito ang tanda ng pagbibigay-respeto at ang pagpapahalaga natin sa isang malaking bahagi ng ating kulturang naikintal na sa mga puso’t isipan ng mga Pilipino mula noon at sa mga panahon pang darating.

Dibuho nina Leon John Reyes, Gabrielle Pascual, at Marc Daniel Abiño

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?