Tungo sa mas makulay na mundo ng sining: Komiket, itinampok ang mga bagong mukha ng Filipino komiks

25 October 2016
866 Views

nina Claire Ann Alfajardo at Gabriel Frances Timog

Maraming nagsasabing patay na ang industriya ng komiks sa Pilipinas. Tila natabunan na rin ng mga libro at pelikula ang guhit at pinta ng mga manlilikhang walang ibang ninanais kung hindi mabigyang-pansin. Unti-unti na ring nabubura sa isipan ng mga mamamayang Pilipino ang obra sa papel na tulad ng komiks na minsan na ring naging makulay at makinang.

Sa pagnanais na baguhin ang naturang pananaw, idinaos ng Komiket Inc. ang ikaapat na “Komiket: Filipino Komiks and Art Market” sa United Peace Embassy, Quezon City, noong Oktubre 14 at 15. Layunin ng Komiket na muling ibalik ang antas ng pagtangkilik ng mga Pilipino noon sa komiks. Sa paghahangad na maisakatuparan ito, nagtipon-tipon ang samo’t saring comic artists sa bansa, partikular na ang mga nagsisimula pa lamang sa nasabing larangan.

Pagbibigay-daan sa makabagong talento
Lingid sa kaalaman ng nakararami, matagal nang buhay ang industriya ng komiks sa PIlipinas. Bago pa man nagkaroon ng digital art, nailimbag na ang “The Monkey and the Tortoise” ni Rizal at naisilang na rin ang tampok na komik character na si “Kenkoy” mula sa obra ni Antonio Vasquez, Ama ng Filipino Komiks. Lumipas ang panahon at unti-unti nang naibaon ng mga Pilipino ang komiks na minsang naging tulay sa pagkamulat ng sambayanang Pilipino tungkol sa mga isyung kinahaharap ng bansa.

Napakaraming comic artists sa Pilpinas ang nagpapasyang magkubli na lamang sa anino ng iba’t ibang uri ng sining. Marahil pelikula, libro, at musika ang mga pinakatinatangkilik ng masa ngayon. Ayon kay Paolo Herras, pangulo ng Komiket Inc., isa sa mga layunin ng Komiket na tipunin ang mga talentadong comic artist upang maipakilala sa bansa ang husay ng Pilipino sa paggawa ng komiks. Iginiit niyang mahalagang pinagtuunan ng pansin ang mga mamimili sa paghubog ng mga makabagong talento sa larangan ng komiks.

Nagsimula ang Komiket bilang isang organisasyon dalawang taon na ang nakalilipas. Ayon kay Herras, nagkaroon na ng apat na komiks at art market na naging tulay upang maipamalas at maibenta ng mga comic artists ang kanilang mga obra. Sa loob ng dalawang taong ito, naglunsad na rin ng dalawang workshop ang Komiket Inc. para sa mga estudyante o mga manlilikhang nais pagbutihin ang kasanayan nila sa paggawa ng komiks.

komiket-2016-kuha-ni-frances-timog-1

Ipinahayag ni Herras na nais ng Komiket Inc. na mapanatili ang mga obra ng mga manlilikha kaya nagkakaroon sila ng art markets. Aniya, “We want artists to be able to sustain their art, and the short term goal is to provide them venues where they can show and market their arts.”

Tulong galing sa mga mambabasa ang kinakailangan upang mas mapaunlad ang industriya ng komiks sa Pilipinas. Pagbabahagi ni Herras, “We don’t call ourselves a comic event, we call ourselves the art market.” Sa ganitong paraan, mabisa nilang nahihimok ang mga taong maaaring mahilig sa komiks, maging sa stickers, posters, at postcards. Maaari din nilang buklatin ang mga comic book at bilhin kung maiibigan.

Akda at larawan ng talentong Pilipino
Hindi mapagkakaila ang husay nating mga Pilipino sa lahat ng naisin nating gawin. Hanggang mayroong inspirasyon at pagsisikap, makagagawa ang sinoman ng mga obrang kanilang maipagmamalaki. Bitbit ang kanilang mga likha, nagpamalas ng talento sa pagsusulat, pagguhit at pagpinta ang mga comic artists na dumalo sa Komiket 2016.

Kaakibat ng bawat guhit at salita ang kwento ng artists na nagtulak sa kanila upang lumikha ng isang obra. Ipinahayag ni Ched Degala, isang comic artist sa Komiket, na mga kwentong pang-araw-araw ang laman ng kanyang mga gawa. Aniya, “Yung sakin, more on real life events kasi siya. Yung mga [maliliit na bagay] na napapansin ko. Kunyari itong “the girl who smiles at parties”, I think everybody goes through that [feeling] na parang you’re there, but you don’t really want to be there.”

Hindi maiiwasang isipin ang sikreto ng mga artist na nakagagawa ng mga obrang talaga namang kamangha-mangha. Ibinahagi nina Mico Fernando at Rowen Sapanta, parehong sumailalim sa workshop ng Komiket, na pagsasanay ang susi upang maipakita nila ang kanilang talento sa pagsusulat at pagguhit. Ayon kay Sapanta, kanyang nagustuhan ang paraan ng pagtuturo sa workshop. Nagsisilbing-gabay ang mga puna at opinyong iminumungkahi sa kanya upang pagbutihin pa ang kanyang obra. Samakatuwid, nilinang ng Komiket workshop ang kanilang kasanayan sa pagbuo ng komiks.

Naniniwala naman si Degala na hindi minamadali ang isang obra. Mahalagang araw-araw itong pinaglalaanan ng pansin at oras upang unti-unti itong yumabong at umunlad. Dagdag pa niya, “Hindi ka maghihintay for a really great story to happen, you have to make every day happen and progress every day.”

Mahalaga rin ang pagmamahal ng isang artist sa kanyang mga gawain at ginagawa. Sa ganitong paraan, nararamdaman niyang paraan ang komiks upang mailabas niya ang kanyang emosyon sa halip na ituring bilang obligasyon.

Bagong pag-asa para sa mundo ng sining
Isang nabubuhay na patunay ang Komiket na hindi natutulog ang industriya ng Komiks. Sa katunayan, napakaraming local comic artists ang naghahanap lang ng lugar para mapansin ang kanilang mga obra. Isa lamang ito sa napakaraming katotohanang pilit pinagtuunan ng Komiket Inc. ng pansin upang maipamalas sa mga Pilipino ang nakabibighaning obra ng mga kapwa rin nila Pilipino. Ayon kay Herras, hindi titigil ang Komiket na magsilbi bilang pundasyon upang malinang at maipamahagi ng mga comic artists ang kanilang mga obra.

Sa huli, hindi yayabong ang industriya ng komiks kung hindi ito susuportahan ng masa at iba pang mamamayan. Kaakibat ng mataas na pangarap ng bawat comic artist ang takot na baka mawalan sila ng seguridad at hanapbuhay. Sinasalamin lamang nitong ang mga mapangahas na nananatili sa industriya ng komiks ang magiging susi sa pagpapatag ng pundasyon nito. Maitatayo lamang ang pundasyong ito kung tutulungan ng masa ang mga comic artists na patuloy na gumuguhit tungo sa magandang kinabukasan.

Retrato – mga kuha ni Gabriel Frances Timog

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?