Hermano Puli: Pagmamahal sa kabayanihan, kabayanihan sa pagmamahal

19 September 2016
1930 Views

nina Ezekiel Enric Andres at Frank Kenneth Dumalay

Hindi maikakailang tampok sa takilya ngayon ang maraming palabas na nagdudulot ng kilig, takot, tuwa at halo-halong emosyon sa mga manonood. Bagamat hindi nito pinipigilan ang paglikha ng mga pelikulang nag-uudyok ng damdaming makabayan, mapapansing hindi pa rin gaanong nabibigyang-tuon ng madla ang ganitong uri ng mga kwento kompara sa mga banyagang palabas.

Para mahikayat na tangkilikin ang sariling atin, tinipon sa isang Youth Leaders Forum na pinamagatang Heroism X Pag-ibig ang ilang mga estudyante mula sa iba’t ibang organisasyon sa bansa sa tulong ng DAKILA (Philippine collective for Modern Heroism). Idinaos ang naturang forum noong Setyembre 17 sa Gateway Mall, Araneta Center Cubao, Quezon City. Sa pagtitipong ito, natunghayan ang isang makabuluhan at makabagbag-damdaming pagdiriwang sa nalalapit na pagpapalabas sa sinehan ng “Ang Hapis at Himagsik ni Hermanong Puli”.

09-17-16-bayani-ba-to_-kuha-ni-paulo-carlos

Paggising sa natutulog na bayani sa ating sarili

Nagsimula ang programa sa isang maikling mensahe ni Lourd De Veyra, isang kilalang mamamahayag at pangulo ng DAKILA. Ipinaliwanag niya sa mga tagapakinig ang iba’t ibang pakahulugan ng pagiging isang tunay na bayani. Ayon sa kanya, may kaugnayan ang kabayanihan sa konsepto ng katapangan at sa pagkakaroon ng komunidad na kinabibilangan. Aniya, “Sa kabayanihang Pinoy, hindi mawawala ang malasakit, damayan, at pagtulong.” Matapos nito, nagpakita siya ng dalawang maiikling panooring may kinalaman sa pagiging mangmang ng mga Pilipino sa mga lumipas nating bayani.

Sinundan ito ng pagsasalita ng direktor ng pelikulang “Hermano Puli” na si Gil Portes. Ibinahagi niya ang kanyang inspirasyon sa pagbuo ng pelikula, pati na rin ang ilang suliranin na kanilang hinarap sa produksyon gaya ng pagkuha ng pondo at pagsulat ng script na matapat sa kasaysayan ng ating bansa.

“Mayroon pa bang gustong magpakabayani ngayon? […] Ako, gusto ko pa ring magpakabayani,” pambungad ni Portes. Para sa kanya, pagpapakabayani ang paggawa ng ganitong klaseng pelikula sapagkat binubuhay nito ang pagkamakabayan nating mga Pilipino. Agad itong sinundan ng pagpapalabas ng buong pelikula na “Ang Hapis at Himagsik ni Hermano Puli” na tampok at pinakaaabangan sa pagtitipong ito.

Gaya ng pamagat nito, nakasentro ang pelikula sa buhay ni Apolinario de la Cruz o mas kilala sa bansag na Hermano Puli. Tinalakay sa pelikula ang mga karanasan niya mula pagkabata hanggang sa huling punto ng kanyang buhay. Napuno ng samu’t saring emosyon ang sinehan habang pinapanood ang nasabing pelikula. May pagkakataong kinilig, tumawa, o umiyak ang madla, depende sa eksenang natutunghayan. Sa huli, masasabing nagtagumpay ang pelikula sa pagnanais nitong paigtingin ang damdaming makabayan sa mga manonood.

Matapos ang halos dalawang oras ng panonood, sunod na nagsalita ang kilalang mananalaysay at pakultad ng Pamantasang De La Salle na si Xiao Chua. Nagbigay siya ng mas malalim na pagtanaw sa buhay ng nasabing bayani. Para sa kanya, santo at bayani si Hermano Puli dahil sa lubos na pag-ibig niya sa Diyos at pagmamahal sa kanyang bayan. Sambit niya, “Ang kwento ni Puli ay kwento ng pag-ibig. Ipinaglaban niya ang isang kalayaan na mayroon tayo ngayon—ang kalayaang umibig.”

Isang pagtatanghal naman mula sa kilalang spoken word artist na si Juan Miguel Severo ang sunod na natunghayan ng mga manonood. Dalawang piyesa na pinamagatang “Naniniwala ako” at “Corregidor, Bataan” ang kanyang tinula dahil naniniwala siyang may malaking kinalaman ang mga ito sa pagmamahalan at pagiging makabayan.

Huli namang nagbigay ng kanyang talumpati ang isa pang sikat na mamamahayag na si Jun Sabayton. Una niyang binigyang-linaw ang malaking pagkakaiba ng Generation X at Millenials at ang kagunayan nito sa agwat ng kagustuhan ng tao pagdating sa larangan ng pelikula. Ayon kay Sabayton, nararapat lamang na mas tangkilikin ng kabataan ang mga pelikulang may lalim, gaya ng historical films, dahil sa mga ito natin mas matututunan at mas mapahahalagahan ang kasaysayan ng bansang ating sinilangan.

09-17-16-bayani-ba-to_-kuha-ni-paulo-carlos-1

Kwento ng pakikibaka at pananampalataya

Sa darating na Setyembre 21, mabibigyan ng pagkakataon ang sambayanang mas makilala si Apolinario dela Cruz at mas maintindihan ang naging papel niya sa buhay ng mga Pilipino. Pangungunahan ni Aljur Abrenica na gaganap bilang Hermanong Puli ang pelikula.

Hindi naging madali para sa producer, direktor, at mga kasapi ng pangkat na naglunsad ng pelikula ang pagkalap ng pondong gagamitin. Bukod pa rito, hindi rin naging sapat ang impormasyon at detalyeng nakalap bunsod ng kaunting ebidensya at datos na naisulat sa kasaysayan. Gayunpaman, masasalamin sa pelikula ang husay ng mga lumikha nito dahil sa makatotohanang pagsasalarawan sa mga pangyayaring nakapaloob dito.

Makikita ang pagiging malikhain ni Portes sa pagsasagawa ng pelikula. Hindi naging purong mabigat at marahas ang tema ng palabas sapagkat nilapatan din ito ng kaunting katatawanan sa pamamagitan ni Hermana Lina, isang aktibong kasapi ng samahang Cofradia De San Jose at may lihim na pagtingin kay Hermano Puli. Napukaw rin ang atensyon ng karamihan sa naging labanan sa pagitan ng mga myembro ng samahan ni Puli at mga gwardya sibil. Buhay man ang maging kapalit, buong giting nilang hinarap ang mga taong nais sumugpo sa cofradia. Lumaban ang bawat kaanib ng samahan sa pamamagitan ng sama-samang dasal at sanib-puwersang dahas.

Markang lumatay sa puso’t isipan

Iisa ang naging tugon ng mga nagsipagdalo matapos ang forum. Makikita sa kanilang mga matang handa silang maging bahagi ng pagsulong tungo sa pag-unlad ng ganitong uri ng mga pelikula. Hindi lamang para mas kilalanin ang gawang Pilipino, kung hindi pati na rin ang pagbukas ng isip ng sambayanan sa mga pangyayari ng nakaraan.

Kung ituturing lamang na isang trabaho ang pagiging bayani, paniguradong bilang lamang sa daliri ang makakukuha nito. Higit pa sa pagkakaroon ng tapang at lakas ng loob ang kinakailangan upang tuluyang mabansagan bilang isang bayani. Nagmumula ang kabayanihan sa pag-ibig, at nagmumula naman ang pag-ibig sa pagkilala hindi lamang sa iyong sarili at bayan, kundi maging sa iyong pinanggalingan.

Retrato – kuha ni Paulo Carlos

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

One thought on “Hermano Puli: Pagmamahal sa kabayanihan, kabayanihan sa pagmamahal

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?