Si De Lima at ang dilemma ng Iglesia

30 August 2015
1909 Views

SULONG, SUGOD! | Opinyon ni Elijah Felice Rosales

Kung hindi nangialam si Justice Secretary Leila De Lima sa isyu ng Iglesia, malamang na makukuha niya ang bloc vote favor ng simbahan. May balak pa namang tumakbong senador si De Lima sa ilalim ng admin ticket. Sayang.

Habang sinusulat ko ang kolum na ito, daan-daang myembro ng Iglesia ni Cristo ang nagpoprotesta sa kahabaan ng EDSA. Binabatikos nila, kung hindi man kinokondena, ang panghihimasok umano ni De Lima sa isyung kinasasangkutan ngayon ng kanilang ministro. Panawagan nila, pairalin ang separation of state and church na nakasaad sa Saligang Batas. Ipagpaubaya na lang daw sa kanilang sektor ang pagsasaayos ng sarili nitong gusot. Dagdag pa nila, sa halip na puntiryahin ang kanilang simbahan, dapat daw unahin ng Department of Justice ang pagresolba sa mahahalagang kaso tulad ng Mamasapano clash.

Doon tayo sa usapin ng separation of state and church. Matagal na itong tinatalakay at pinagtatalunan, partikular sa pagsasabatas ng kontrobersyal na Reproductive Health Bill.

Hindi ako komportable sa gustong mangyari ng Iglesia. Bagamat ayoko silang akusahan o paratangan, may malaki silang pagkukulang sa pag-unawa ng isinusulong nilang separation. Naiintindihan kong may malaking banta sa kaayusan ng kanilang ministro bunsod ng kabi-kabilang isyung ibinabato laban sa matataas nilang pinuno. Sa totoo lang, under consistent threat talaga ang kanilang simbahan dahil sa mahaba nilang kasaysayan ng bloc voting tuwing halalan. Pero isantabi muna natin ang usaping iyon. May banta man ngayon sa sistema ng Iglesia, hindi ito nagmumula sa pamahalaan. Kaya hindi ko rin masikmura ang sinasabi nina presidential bets Grace Poe at Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na “defending of faith” ang isinasagawa ngayong pagkilos ng Iglesia dahil wala namang dapat depensahan sa una pa lang.

Maaaring mali ako, dahil bukod sa hindi ako abogado, Political Science student, o Theology expert, wala rin akong direktang relasyon sa INC. Sa kabila nito, naniniwala akong hindi makatwiran ang pinupunto nilang “practice of faith” o anoman (profession of faith, defense of faith, living of faith), maging ang absolute religious freedom kuno. After all, wala namang bahagi ng kanilang religious practice ang nilalabag sa kasalukuyan.

Dapat tandaan ng Iglesia na sakop ng human rights law ang lahat ng sektor ng lipunan. Wala itong kinikilalang separation of state and church. Kung mapatunayan mang totoo ang illegal detention case na isinampa ni Isaias Samson, Jr. laban sa matataas na pinuno ng INC, kailangang managot sa batas ng sinomang akusado. Ipinatutupad ang ganitong patakaran maging sa ibang simbahan, organisasyon, samahan, o institusyon.

Mahalaga ring balikan ng Iglesia ang kanilang maling interpretasyon sa ipinaglalaban nilang separation of state and church. Ibig sabihin lang ng probisyong ito, pinagbabawalan ang pamahalaang magtayo ng sarili nitong simbahan (state religion). Iyon ang kahulugan—at siguro, kabuluhan na rin—ng paghihiwalay sa dalawang pinakamalakas (bukod sa midya) na institusyon ng bansa. Dagdag pa rito, kung susundin ng INC ang kanilang paniniwala hinggil sa separation—na bawal manghimasok ang gobyerno sa usapin ng simbahan, at vice-versa—malaking dagok sa kanilang ministro ang bloc voting system na ipinatutupad nila tuwing national elections. Double standards, hindi ba?

Kung mapapatunayan sa korteng hindi totoo ang akusasyon ni Samson laban sa dati niyang kinabibilangang simbahan, iyon ang dapat niyang sagutin: Anong intensyon niya sa mala-black propagandang kasong isinampa niya? May mga tao bang nagtulak sa kanyang siraan ang Iglesia? Matutugunan lamang ang tanong ng hustisya kung susunod sa proseso ang INC, kung bibigyan nila ng pagkakataong umusad ang justice system, kung maghaharap ang parehong partido upang ipagtanggol ang kanilang panig.

Malakas ang mass base ng Iglesia at wala akong duda rito. Sana lang, ginagamit nila sa mas makabuluhang usapin ang kakayahan nilang lumahok sa protesta. Kung totoo ang paninindigan nilang dapat unahin ng gobyerno ang mahahalagang isyu ng bayan, dapat silang sumama sa pagkilos ng mga progresibong samahan.

Kung haharangin nila ang EDSA at mananawagang itaas ang sahod ng manggagawa, o ipahinto ang pagpapatupad ng K plus 12 curriculum, o isabatas ang Genuine Agrarian Reform Bill, o anomang panawagang tugma sa pangangailangan ng mamamayan, sasamahan ko pa silang magprotesta kahit magdulot pa ito ng heavy traffic.

Talakayin natin ang dilemma ng bayan, hindi ang dilemma ng sariling simbahan.

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?