Henry Sy, Sr. Hall, nakamit ang 2-star rating ng BERDE

25 August 2015
849 Views

ni Josee’ Ysabella Abriol

GINAWARAN ng 2-star Building for Ecologically Responsive Design Excellence (BERDE) Recognition ang Henry Sy, Sr. Hall (HSSH) noong Agosto 24 sa Roof Deck ng HSSH.

Matapos ang awarding ceremony, ipinarating ni Arch. Christopher Dela Cruz, Chief Executive Officer ng Philippine Green Building Council (PHILGBC), ang pagbati ng buong PHILGBC sa lahat ng taong naging susi upang makamit ng HSSH ang pagkilala.

Ayon sa kanya, napakalaking karangalan ang natamo ng HSSH sa pagkakuha nito ng 2-star rating mula sa BERDE. Pahayag niya, “One star in BERDE Certification (System) is [already] very high. It (2-star rating) is already 70% above and beyond an ordinary building.”

Dagdag ni Dela Cruz, inaasahan ng PHILGBC ang pagdami ng mga taong magiging interesado sa pag-aaral sa estruktura ng HSSH dahil ito ang tanging pang-akademikong gusaling ginawaran ng BERDE Recognition.

Isinaad pa niyang patunay ang natamong pagkilala ng HSSH sa kakayahan ng Pilipinas, lalo na ng sektor ng akademya, sa paggawa ng mga gusaling nakatutulong sa kalikasan.

Binigyang-diin naman ni Br. Raymundo Suplido FSC na isang paraan ang pagtatayo ng HSSH upang matugunan ang panawagan ni Pope Francis na magkaisa ang lahat sa pangangalaga sa kalikasan. Saad niya, “As responsive and civic-minded citizens, we have a moral obligation to find creative and sustainable solutions to the crisis confronting us today.”

Ipinahayag din ni Suplido na iniaalay niya ang pagkilalang ipinagkaloob ng BERDE sa lahat ng mga nagtulungan upang marating ito ng HSSH.

Bilang pagtugon sa layuning mapabuti ang kalikasan, patuloy ang DLSU sa pagtatayo ng mga gusaling susunod sa yapak ng HSSH. Kabilang dito ang mga gusaling itinatayo sa DLSU-Rufino Campus-Bonifacio Global City at Leandro V. Locsin Campus-Science and Technology Complex.

Pinangunahan ni Engr. Trisitian Loveres, Chief Operating Officer ng TUV Rheinland Philippines, Inc., ang pagbibigay ng sertipiko ng pagkilala sa HSSH.

Tweet about this on TwitterShare on FacebookEmail this to someone

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>

Login

Lost your password?